Thursday, September 2, 2010

Malisyosong Diwa at Matalas na Dila



1
May mensahe ako para sa lahat
Nawa'y pakinggan yaring ulat
Isinulat upang kaisipa'y mamulat
Tatamaan ang taong may sugat

2
Habang naglalakad ay may nasasalubong
Mga taong wari'y nakatalukbong
Malaya bang makikita bawat katangian?
Aking ipamahagi ang kanilang katauhan

3
Aking nakilala ang magandang dalaga
Mukha'y maamo at kaaya-aya
Ganda ng boses ay nasa bawat salita
Ngunit puso'y may nakatagong taga

4
Talino'y dakila at di mapantayan
Mula sa paaralan ang angking karunungan
Ipinagmamalaki taglay na kakayahan
Sa larangan ng musika, talento'y di mapantayan

5
Ngunit ano itong aking napuna
Maganda man ang rosa'y may tinik pala
Pumupuna ng kamalian ng iba
Kapag may nadapa ay sa kanya ang tawa

6
Madasaling birhen ang panglabas na anyo
Ngunit kasamaan ang nakaukit sa puso
Aanhin ang ganda at boses ng tao
Kung patalikod ang kanyang estilo